Patay ang isang 13-anyos na grade 9 student matapos umanong saksakin ng kanyang 14-anyos na kaklase sa loob ng Las Piñas National High School ngayong Biyernes ng hapon.

Ayon sa Southern Police District, binawian ng buhay ang biktima bandang alas-4:53 ng hapon matapos tamaan ng saksak gamit ang kutsilyo.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawang estudyante bago nangyari ang pananaksak.
Ayon sa Las Piñas police, bigla umanong bumunot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang kanyang kaklase.
Sinabi ng pulisya na patuloy nilang iniimbestigahan ang buong pangyayari upang malaman ang dahilan ng insidente.
Samantala, ire-refer ang 14-anyos na suspek sa City Social Welfare and Development Office dahil menor de edad ito.