Opens in a new tab
Skip to content
National

Mag-Ina, Binaril sa Labas ng Hotel sa Makati

Patay ang isang 63-anyos na babae habang sugatan ang kanyang 26-anyos na anak matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa harap ng City Garden Hotel sa Makati Avenue corner Durban Street, Barangay Poblacion, Makati City noong gabi ng Agosto 3.

Batay sa CCTV footage, makikitang mabilis na nilapitan ng suspek ang mag-ina habang naglalakad at saka nagpaputok ng baril na bahagyang natatakpan ng tela bago mabilis na tumakas.

Ayon sa paunang imbestigasyon, kararating lamang ng ina sa Maynila mula Zamboanga noong Agosto 2 upang ipagdiwang sana ang kaarawan ng kanyang anak kinabukasan. Gayunman, nauwi sa trahedya ang dapat sanang masayang okasyon.

Dead-on-arrival sa ospital ang nakatatandang biktima habang patuloy na ginagamot ang kanyang anak.

Bumuo na ang Southern Police District ng Special Investigation Team upang tutukan ang kaso. Patuloy rin ang pagsusuri sa mga CCTV footage at pagtugis sa salarin habang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril.