Patuloy na makararanas ng malalakas at tuloy-tuloy na pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa pinalakas na Habagat, ayon sa PAGASA.
Bagama’t malayo pa sa Pilipinas ang Typhoon Dolphin, patuloy itong nakaaambag sa pagpapalakas ng southwest monsoon na siyang nagpapadala ng pag-ulan sa maraming lugar sa Luzon.
Sa pinakahuling babala ng PAGASA, Nasa Red Rainfall Warning na ang ilang bahagi ng Batangas, Cavite, Bataan, at Zambales matapos lalo pang lumakas ang pag-ulan dulot ng pinalakas na Habagat, ayon sa PAGASA.
Kabilang sa mga apektadong lugar sa Batangas ang Lian, Calatagan, Balayan, Tuy, Nasugbu, Lemery, Calaca, Taal, San Luis, Bauan, Mabini, at Tingloy, habang nasa Red Warning din ang Ternate, Magallanes, at Maragondon sa Cavite. Ayon sa PAGASA, inaasahan na ang seryosong pagbaha sa mga lugar na ito.
Samantala, nasa Orange Warning naman ang Metro Manila, iba pang bahagi ng Batangas, Cavite, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan, at Zambales, kung saan nananatiling mataas ang banta ng pagbaha.
Nasa Yellow Warning naman ang ilang bahagi ng Laguna, Quezon, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Pampanga, Tarlac, at natitirang bahagi ng Zambales.
Ayon sa weather bureau, maaari pang magpatuloy ang malakas hanggang matinding pag-ulan sa mga susunod na oras sa ilang bahagi ng Laguna, Quezon, Nueva Ecija, at Bulacan.
Ayon pa sa PAGASA, asahang magpapatuloy hanggang sa mga susunod na araw ang malalakas na pag-ulan sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, kung saan maaaring umabot sa 100 hanggang 200 millimeters ang ulan. Posible ring makaranas ng 50 hanggang 100 millimeters ng ulan ang Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, at iba pang karatig-lugar.
Patuloy ding nakararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Laguna, kabilang ang Santa Rosa, Cabuyao, Calamba, Los Baños, San Pablo, Santa Cruz, Pagsanjan, Siniloan at Famy. Apektado rin ang mga bayan sa Quezon gaya ng Tiaong, Dolores, Candelaria, Sariaya, Lucena, Lucban, Infanta at General Nakar, gayundin ang ilang bahagi ng Batangas tulad ng Lipa, Tanauan, Rosario, San Jose, Padre Garcia at Santo Tomas.
Samantala, binabantayan din ng weather bureau ang isang Low Pressure Area sa labas ng Philippine Area of Responsibility na may mataas na posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Dahil sa nagpapatuloy na sama ng panahon, pinapayuhan ang publiko lalo na ang mga nakatira sa mabababang lugar, tabing-ilog, at paanan ng bundok na maging handa sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, at sundin ang mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan at disaster response officials.