Arestado ang isang 33-anyos na store merchandise owner na nakilala bilang si “MK” matapos ang buy-bust operation sa Barangay Poblacion 1, Calaca City, Batangas bandang 9:50 ng gabi nitong Agosto 12, 2026.
Ayon sa Batangas Police Provincial Ofifce, nahuli ang suspek matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa isang police poseur-buyer kapalit ng ilegal na sigarilyo. Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng 1st Provincial Intelligence Team-Provincial Intelligence Unit ng Batangas PPO, kasama ang Calaca Component City Police Station, RID4A, at RSOU.
Nasamsam sa operasyon ang iba’t ibang master cases ng Champion, Victor Aguila, Carnival, at Marshall cigarettes, gayundin ang isang sasakyan. Tinatayang nasa P1.719 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto batay sa valuation ng Bureau of Customs.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at sa ilang probisyon ng National Internal Revenue Code kaugnay ng umano’y bentahan at distribusyon ng mga iligal na sigarilyo.
Dinala rin siya sa Hospital sa Balayan, Batangas para sa medical examination bago isinailalim sa kaukulang dokumentasyon at proseso ng pulisya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa posibleng pinagmumulan at distribusyon ng mga nakumpiskang sigarilyo sa Calaca City, Batangas. | BChannel News