Dalawa ang nasawi sa nangyaring pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University nitong Martes, ayon sa pamunuan ng school.
Kabilang sa mga nasawi ang isang estudyante, at ang suspek na binaril ang sarili matapos ang krimen.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang suspek ay isang lalaking high school student na nakapasok umano sa campus na may dalang mga baril. Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung paano niya naipasok ang mga ito sa loob ng paaralan at kung ano ang motibo sa likod ng insidente.
Kasalukuyang nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police upang mabuo ang mga pangyayari. Sinabi ng pulisya na kontrolado na ang sitwasyon habang pinaiigting ang seguridad sa lugar.
Samantala, inihayag ng Department of Education na handa itong magbigay ng suporta sa mga naapektuhang mag-aaral, pamilya, at school personnel. Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga mental health professionals para sa psychological first aid at psychosocial support.
Sa pahayag naman ng Ateneo de Zamboanga, ligtas at accounted for ang kanilang mga grade school students. Sinuspinde rin ang klase sa Senior High School habang nagpapatuloy ang assessment at mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng buong komunidad ng paaralan.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na iwasang magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon at sensitibong larawan o video kaugnay ng insidente, lalo na dahil may mga menor de edad na sangkot sa pangyayari.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pamilya ng mga nasawi at sa komunidad ng Ateneo de Zamboanga. Inatasan din niya ang mga law enforcement agency na magsagawa ng masusing imbestigasyon at pag-aralan ang mga karagdagang hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan. | BChannel News