Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

49-anyos na lalaki, patay nang pagbabarilin sa harap ng kanilang bahay sa Lipa City, Batangas

Patay ang isang 49-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa harap ng kanilang bahay sa Purok 5, Barangay Rizal, Lipa City, Batangas, Martes ng gabi, Agosto 19.

Batay sa ulat ng Lipa City Police, bandang 7:15 PM nang mangyari ang insidente. Kasama ng biktima ang kanyang katrabaho at umiinom sa labas ng kanilang bahay nang makarinig umano ang anak nito ng apat na magkakasunod na putok ng baril.

Paglabas ng anak, nakita niyang nakahandusay ang kanyang ama habang hawak ng suspek ang baril. Ayon sa ulat, nagpalit pa umano ng magazine ang suspek at muling nagpaputok ng dalawang beses sa biktima.

Agad namang tumakas ang suspek sakay ng itim na motorsiklo patungo sa Barangay Calamias, Lipa City.

Isinugod ang biktima sa pagamutan, ngunit idineklarang Dead on Arrival bandang 7:45 PM.

Kinilala ang biktima na si “Elmer,” isang supervisor at residente ng Barangay Rizal.

Samantala, kinilala naman sa police report ang suspek sa alyas na “Ian.”

Inilarawan ang suspek na nakasuot ng puting T-shirt, brown na shorts, itim na cap at tsinelas. Tumakas umano ito sakay ng brown na motorsiklo, patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Nagsasagawa na ng dragnet operation ang pulisya, habang hiningi rin ang assistance ng Scene of the Crime Operations o SOCO para sa imbestigasyon gayundin ang motibo sa krimen.

Sumisigaw ng hustiya ang mga kaanak at kapamilya ng biktima sa naturang insidente. | BChannel News