Mahigit ₱11.9 bilyon ang isinusulong na budget ng Bureau of Corrections o BuCor para sa 2027, habang tinututukan ng ahensya ang problema sa siksikan, seguridad at kondisyon ng mga bilangguan.
Mas mataas ito ng 9.6 porsyento kumpara sa kasalukuyang ₱10.88 bilyong allocation. Sa panukalang budget, ₱7.6 bilyon ang nakalaan para sa personnel services, ₱3.7 bilyon para sa maintenance at operating expenses, habang ₱519.9 milyon ang para sa capital outlay.
Malaking bahagi ng hamon ng BuCor ang patuloy na overcrowding. Sa kasalukuyan, may 52,356 persons deprived of liberty o PDLs sa mga pasilidad na may kabuuang kapasidad lamang na 17,211. Katumbas ito ng humigit-kumulang 305 porsyentong occupancy rate.
Sa New Bilibid Prison naman, sinabi ng BuCor na bumaba ang congestion mula 313 porsyento noong 2022 tungo sa 40.58 porsyento ngayong taon, matapos ilipat ang maraming PDLs sa iba pang operating prisons at penal farms.
Kasabay nito, nais ding palakasin ng ahensya ang bilang ng personnel. Sa 10,425 authorized positions, 9,831 ang kasalukuyang filled, habang may mga bakanteng posisyon para sa corrections officers, technical officers at civilian personnel.
Gayunman, nananatiling mataas ang personnel-to-PDL ratio—1 corrections officer sa bawat 17 PDLs, kumpara sa ideal na 1:7, at 1 technical officer sa bawat 120 PDLs, kumpara sa ideal na 1:24.
Bahagi rin ng modernization plan ang pagtatayo ng super maximum-security facility sa Curuan, Zamboanga, na magsisimula sa Level 1 dormitory na kayang tumanggap ng 500 PDLs.
Layunin ng BuCor na gamitin ang dagdag na pondo hindi lamang sa seguridad at imprastraktura, kundi pati sa rehabilitation, livelihood programs, digital systems at paghahanda sa pagbabalik ng mga dating PDL sa kanilang komunidad.