Naka-hold muna ang delivery ng election supplies para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE, habang hinihintay ng Commission on Elections ang malinaw na desisyon ng Kongreso kung matutuloy ang halalan sa November 2.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, inatasan na nila ang mga supplier na pansamantalang huwag munang ihatid ang mga gamit na nabili na sa pamamagitan ng public bidding. Aniya, mabilis namang maipapadala ang mga ito sakaling makumpirmang tuloy ang halalan.
Posible rin umanong ma-delay ang training ng mga guro at iba pang election workers, na nakatakdang magsimula sa kalagitnaan ng September. Kabilang sa gastusin sa training ang venue, pamasahe at pagkain ng mga participants.
Hinihiling ngayon ng Comelec sa Senado at Kamara na agad linawin kung itutuloy o ipagpapaliban ang BSKE, para maiwasan ang dagdag na gastos at abala sa paghahanda.
May mga panukalang batas nang inihain para ipagpaliban ang November 2 elections at ilipat ang BSKE sa November 2028, habang palawigin naman ang termino ng kasalukuyang barangay at SK officials.
Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon ang Kongreso, kaya nananatiling nakabinbin ang magiging schedule ng susunod na barangay at SK elections.