Hinamon ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na ilabas ang kumpletong records ng flood control projects sa Davao City, matapos banggitin ni Remulla na ang lungsod ang naging “epicenter” ng flood control bago ang Marcos administration.
Sa budget hearing ng Kamara nitong Martes, sinabi ni Remulla na iniimbestigahan pa ng Ombudsman ang umano’y malaking network ng iregularidad sa flood control projects sa Davao. Binigyang-diin din niya na hindi pa ito isang final conclusion at kailangan pa nilang makakuha ng ebidensya.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Pulong na may hawak siyang kopya ng records mula sa DPWH Region 11 na naglalaman ng completed projects sa Davao City mula 2020 hanggang 2022, na nakuha niya noong siya ay congressman noong 2019.
Hinamon niya ang Ombudsman na kung seryoso ang imbestigasyon, dapat tingnan ang buong records, kabilang ang mga proyekto at pondong inilaan sa iba’t ibang taon, at hindi lamang ang isang political administration.
Nanawagan din si Duterte na kung may nakitang anomalya, dapat itong imbestigahan at kung may sapat na ebidensya, dapat panagutin ang mga responsable, regardless of name, party, o administration.
Samantala, sinabi ni Remulla na patuloy nilang tinitingnan ang mga flood control projects sa Davao at iba pang lugar para makita kung may pattern ng iregularidad.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na final finding ang Ombudsman na nagpapatunay na ang Davao City ang sentro ng corruption sa flood control projects. | BChannel News