Mahigpit na babantayan ng Senate Impeachment Court ang mga pahayag ng mga senador, prosekusyon, depensa, at iba pang sangkot sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Presiding Officer Francis Escudero sa ika-19 na araw ng paglilitis, kasunod ng ilang pahayag na aniya ay maaaring lumampas sa tamang decorum ng korte.
Sa ilalim ng ipinatutupad na two-strike rule para sa Rule 18, ang unang paglabag ay may severe reprimand at stern admonition sa open court, at permanenteng ilalagay sa record bilang warning. Kapag naulit, ang multa ay maaaring umabot sa ₱30,000 bawat violation.
Ipinagbabawal ng Rule 18 ang public disclosure tungkol sa merits ng nakabinbing impeachment case. Sakop nito ang presiding officer, senator-judges, prosecutors, si Duterte, kanilang mga abogado, at witnesses.
Pinaalalahanan din ni Escudero ang mga senator-judge na panatilihin ang impartiality, political neutrality, at parliamentary courtesy. Aniya, ang mga tanong tungkol sa kaso ay dapat idirekta sa witnesses, prosecutors, at defense counsel habang nasa proceedings, at hindi sa pamamagitan ng social media commentary.
Kasabay nito, sinabi ni Escudero na ang prosecution ay dapat nakatuon sa makatarungang pagresolba sa kaso, hindi sa pagkapanalo sa anumang paraan. Para naman sa defense, tungkulin nitong protektahan ang constitutional at procedural rights ng respondent at subukan ang ebidensiya ng prosekusyon.
Samantala, iginiit ni Vice President Sara Duterte na kailangang patunayan ng prosekusyon sa pamamagitan ng ebidensiya ang mga alegasyon laban sa kanya. Tinawag niyang insults, speculation, at political theatrics ang ilang pahayag laban sa kanya at hinamon ang prosekusyon na patibayin ang kaso nito.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y misuse ng intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education, gayundin ang grave threats laban kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Apat ang Articles of Impeachment na kinakaharap ni Duterte.
Binigyang-diin naman ni Escudero na dapat sa loob ng courtroom sinusubok ang ebidensiya at argumento, at hindi sa pamamagitan ng trial by publicity. | BChannel news