Mahigit 1,300 katao ang nawawala matapos ang biglaang malawakang pagbaha sa border ng Nepal at Tibet, China, kabilang ang mahigit 700 foreigners. Hindi bababa sa 177 ang kumpirmadong patay, habang tuloy ang search and rescue operations.
Sa Nepal, sinabi ng police na 157 bangkay na ang narekober hanggang Miyerkules ng gabi. Mahigit 400 turista naman ang nawawala, kabilang ang tinatayang 340 foreign nationals.
Ayon sa Nepal Tourism Board, kabilang sa mga nawawalang turista ang 133 Indian, 47 Americans, 34 Australians, 33 Britons at 24 Canadians. Nawawala rin ang walong South Korean nationals na nagtatrabaho sa isang hydropower project.
Matinding pinsala ang iniwan ng rumaragasang tubig sa Rasuwa. Maraming bahay, sasakyan, puno, kalsada at tulay ang inanod. Nasira rin ang ilang hydropower facilities na nagresulta sa pagkawala ng kuryente sa ilang lugar.
Batay sa paunang satellite analysis, posibleng pagguho ng yelo, bato at lupa sa kabundukan ang nag-trigger ng mabilis na pagtaas ng tubig sa Lhende River, mga 20 kilometro mula sa Rasuwagadhi border crossing.
May naitalang magnitude 4.4 earthquake ilang minuto bago ang insidente. Pero patuloy pang iniimbestigahan kung may direktang koneksyon ang lindol sa pagguho.
Sa Chinese side naman, tatlong katao ang kumpirmadong patay at 265 ang nawawala sa Gyirong. Malaki rin ang pinsala sa mga kalsada, communication lines at power links.
Ipinakita sa security footage ang mabilis na pagdating ng putik, malalaking bato at tubig mula sa kabundukan. Makikita rin ang mga taong nagtatangkang tumakbo palayo bago tamaan ang mga gusali at sasakyan.
Kabilang sa mga posibleng biktima ang mga Hindu pilgrims mula sa iba’t ibang bansa na bumiyahe patungong Mount Kailash sa Tibet, isang lugar na mahalaga sa Hinduism at Tibetan Buddhism.
Ayon kay Sadhguru, o Jagdish Vasudev, nasa 80 pilgrims ang nasa Nepal-China border immigration office nang dumating ang baha. Sa kanyang pahayag, 22 dito ay mula sa United States, 12 sa Canada, 11 sa Australia, 9 sa United Kingdom, 4 sa Germany, 3 sa France, 3 sa Nepal, 2 sa The Netherlands, 2 sa New Zealand, at tig-1 mula sa Spain, Singapore, Finland, Hungary, Israel, Lithuania, Philippines, Portugal, Russia at South Africa.

34 sa grupo ang lalaki at 46 naman ang babae.
Sinabi rin ni Sadhguru na nawalan ng communication dahil down ang telecommunications, habang blocked ang mga kalsada dahil sa baha at debris.
Humigit-kumulang 22 oras matapos ang unang insidente, nakarating ang Chinese emergency responders sa Gyirong Port, isa sa mga pinakaapektadong lugar at mahalagang daanan ng China-Nepal trade.
Dumating ang unang batch ng 141 rescuers kasama ang isang high-altitude Mi-171 helicopter para tumulong sa rescue operations.
Pero hindi pa tapos ang panganib. Nagbabala ang authorities sa posibilidad ng panibagong landslides, mudslides at flash floods dahil inaasahan pa ang tatlong araw ng pag-ulan. May mga gumuhong lupa rin na maaaring magsilbing unstable dams at magdulot ng panibagong biglaang pagbaha.
Samantala, naglabas na rin ng flood alerts sa northern India dahil maaaring bumaba pa ang tubig mula sa kabundukan. Sa Bihar, nasa 5,000 katao na ang inilikas, habang target ng authorities na umabot sa pagitan ng 10,000 at 12,000 ang evacuees.
Patuloy ang helicopter rescue at paghahanap sa mga nawawala sa Nepal at Tibet habang sinusuri pa ng mga awtoridad ang kabuuang lawak ng pinsala at bilang ng mga biktima. | BChannel News