Natagpuang patay ang mag-asawa matapos pagsasaksakin sa loob ng isang bahay sa Barangay Sadsaran, Mauban, Quezon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima bilang isang 59-anyos na businessman at isang 48-anyos na secretary, kapwa residente ng Panganiban Street kung saan nangyari ang insidente.
Bandang alas-5:20 ng madaling-araw noong Agosto 27 nang makatanggap ng impormasyon ang Mauban Municipal Police Station tungkol sa insidente.
Ayon sa pulisya, isang kasambahay ang unang nakakita sa mga biktima. Natagpuan ang 48-anyos na babae sa bathroom habang ang 59-anyos na lalaki ay nasa kanilang bedroom. Pareho silang wala nang buhay at nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Napag-alaman din ng mga imbestigador na nawawala ang isang wallet at isang cellphone mula sa bahay. Hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng mga nawawalang gamit.
Sa follow-up investigation ng Mauban MPS, Quezon Police Intelligence Unit, Quezon Police Intelligence and Detective Management Unit, at 1st Quezon Provincial Mobile Force Company, natukoy ang suspek na si “Mervin,” 39 taong gulang at residente ng Mauban.
Sa isinagawang hot-pursuit operation, naaresto ang suspek sa kanyang tahanan. Narekober sa kanya ang isang gintong singsing na sinasabing pag-aari ng isa sa mga biktima, isang kutsilyo na umano’y ginamit sa insidente, at jacket at pantalon na sinasabing suot niya nang mangyari ang krimen.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery with homicide. | BChannel News