Isang indibidwal ang na-intercept sa Batangas Port sa Batangas City matapos umanong makumpiskahan ng hinihinalang illegal drugs ngayong August 31.
Ayon sa Philippine Coast Guard, napansin ng port security personnel ang kahina-hinalang kilos ng indibidwal habang nasa marshalling area, kaya isinailalim ito sa security frisk. Dito umano nakita ang hinihinalang illegal drugs na nakatago sa kanyang mga gamit.
Para matukoy ang nakuhang substance, nagsagawa ng K9 inspection ang Coast Guard K9 Team Batangas kasama ang PDEA. Nagbigay umano ng positibong indikasyon ang mga working dogs.
Dinala na sa PDEA ang indibidwal at mga nakuhang ebidensya para sa laboratory examination at kaukulang imbestigasyon.
Maaari namang sampahan ng kaukulang kaso ang indibidwal depende sa resulta ng pagsusuri at imbestigasyon.