Isang 19-anyos na college student ang inaresto ng Lipa City police matapos umanong gumawa ng pekeng kidnapping incident at humingi ng ransom na tatlong daang libong piso mula sa kanyang mga magulang.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang insidente nang magtungo sa Lipa City Community Police Station ang ina ng suspek bandang alas-4 ng hapon noong September 2. Iniulat niya na nakatanggap siya ng mga video at chat message mula sa Messenger account ng kanyang anak, na nagsasabing umano’y dinukot ito at kailangan ng ransom. Isinama rin ang QR code para sa hinihinging ransom. Sa unang video, makikita umanong umiiyak ang estudyante habang may puting tela sa paligid ng kanyang leeg. Sa isa pang video, nakatakip ang kanyang mga mata habang humihingi umano siya ng tawad sa kanyang mga magulang.
Naipadala rin ang mga naturang video sa ilang kamag-anak, kaibigan at iba pang kakilala ng 19-anyos na residente ng Brgy. Dagatan, Lipa City, Batangas. Dahil dito, agad na nagtungo sa Lipa City police ang ina at humingi ng tulong.
Nagsagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang kinaroroonan ng umano’y biktima at malaman kung totoong may naganap na kidnapping.
Kalaunan, natagpuan at nailigtas ang suspek. Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumabas umano sa mga nakuhang ebidensya na hindi siya dinukot at siya mismo ang nag-ayos ng sitwasyon para magmukhang kidnapping.
May CCTV footage rin umanong nakuha ang mga awtoridad na nagpapakitang kumikilos ang suspek nang walang ibang taong kumidnap sa kanya. Sa imbestigasyon, umamin din umano siya sa pagkakasangkot sa paggawa ng naturang insidente.
Ayon sa pulisya, ang pekeng kidnapping report at pagkalat ng mga video ay nagdulot ng takot at pangamba, habang kinailangan ding maglaan ng police resources para sa imbestigasyon at paghahanap sa umano’y biktima.
Bandang alas-3:10 ng madaling araw noong September 3, isinagawa ang pag-aresto sa suspek sa Barangay 1, Lipa City.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o unlawful use of means of publication and unlawful utterances, kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Nasa kustodiya na siya ng Lipa City police para sa kaukulang disposisyon. | BChannel news