Magsasagawa ng ceremonial turnover at town hall meeting ang United Doctors of Camillus de Lellis Medical Center (CLMC) at United Doctors of Camillus de Lellis Mabini Hospital (CLMH), kasama ang Metro Pacific Health (MPH) ngayong Biyernes, Setyembre 4.
Bilang pinakabagong miyembro ng MPH network, ang pinakamalaking private hospital group sa Pilipinas–itatampok sa programa ang pagsisimula ng isang bagong yugto para sa Camillus de Lellis Hospitals, partikular sa pamamahala nito.
Nakatuon sa temang ‘United Forward’, ang yugtong ito ay binibigyang halaga ng Camillus de Lellis Hospitals bilang isang sama-sama at tuloy-tuloy na pagsulong sa pangako na makapagbigay ng makabago at mahusay na serbisyong pangkalusugan sa lalawigan ng Batangas.
Kilala ang Camillus Hospitals sa kanilang mahusay at maasahan na diagnostic at medical services, sa tulong ng makabagong pasilidad, kagamitan, at mga dalubhasang healthcare workers.
Nagsimula ang UDCMC bilang pinag isang ideya ng First United 23, Inc. na magtayo ng ospital na may makabagong pasilidad at makakalikasang imprastraktura na nakatuon sa pagbibigay ng maasahang serbisyong pangkalusugan. Ipinangalan ito kay St. Camillus de Lellis, ang kinikilalang patron ng mga may sakit, mga ospital, at nars.
Unang naiulat ang completion ng investment ng MPH sa First United 23, Inc. noong Hunyo 30, isang dahilan upang mas mapalawak ng MPH ang saklaw nito sa buong Pilipinas.
Batay sa datos, ang MPH ay binubuo ng 31 ospital, 36 Outpatient Care Centers, 12,500 doktor, at 24,000 nurses at healthcare professionals.
Matatagpuan ang CLMC sa Diversion Road, Brgy. Bolbok, Batangas City habang ang CLMH ay matatagpuan sa Mabini Circumferential Rd, Brgy. Pulong Niogan, Mabini, Batangas. | BChannel News