Hindi lang isang bagong pangalan sa Rotary community ang Rotary Club Cuenca Prime matapos nitong opisyal na mabuo sa charter presentation and induction ceremonies noong October 1 sa Palazzo Antonio, Lipa City, Batangas.

Sa unang taon ng kanilang pagkakabuo, sinabi ng club na nakapagsagawa na sila ng 76 projects na tinatayang nagkakahalaga ng halos one million pesos, kabilang ang mga programang nakatuon sa health, mental health awareness, child development, medical assistance at iba pang pangangailangan ng community.
Pinangunahan ang bagong organisasyon ni Charter President Jovi Angelo B. Jumarang, kasama sina IPDG Jeremie S. Lo at DG Eric B. Santos, sa seremonyang dinaluhan ng mga miyembro, bisita at representatives mula sa iba’t ibang grupo at sektor. Bitbit ng mga charter members ang Rotary motto na “Service Above Self.”

Ayon kay Jumarang, nagsimula sa simpleng idea at mga kwentuhan ang pagkakabuo ng grupo. Binubuo umano ito ng mga young entrepreneurs at professionals na may willingness to serve.
Ani Jumarang, wala pang seven days ay nabuo na ang samahan at lumabas din ang kanilang certificate. Para sa kanya, ipinakita nito na kapag united at committed ang mga miyembro, mas madaling maisakatuparan ang isang layunin. Pero higit sa pagkakaroon ng bagong organization, nais ng grupo na makita ang serbisyo nito sa aktuwal na pangangailangan ng mga tao.
Isa sa mga halimbawa nito ang livelihood assistance para kay Aries at sa kanyang pamilya sa Sitio Napapanayan, Barangay Don Juan sa Cuenca. Dahil isolated ang lugar at walang regular na transportation, naging malaking hamon ang pagpunta at paglabas sa komunidad. Kaya isang fishing boat na nagkakahalaga ng ₱57,000 ang ipinagkaloob ng Rotary Club of Cuenca Prime bilang livelihood support. Layunin nitong magkaroon si Aries at ang kanyang pamilya ng mas sustainable na source of income gamit ang natural resources na matatagpuan sa kanilang komunidad.

Bukod sa livelihood, kabilang din sa mga proyekto ng grupo ang pagtulong sa healthcare facilities sa Cuenca.
Naglaan ang club ng essential medical resources upang makatulong sa delivery ng healthcare services at matugunan ang ilang medical needs ng community. Ayon sa grupo, bahagi ito ng mga proyektong nakatuon sa health, hygiene at well-being ng iba’t ibang sektor. Sa kanilang mga unang proyekto, kasama rin ang medical supplies, wheelchairs at mga programa para sa mga bata at schools.

Isa sa mga binibigyang-pansin ng club ang mental health awareness para sa mga kabataan, kasabay ng mga programang nakatuon sa kanilang development. Para kay Jumarang, mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw na sistema at guidelines sa kanilang organisasyon. Aniya, itinatag ang Rotary Club Cuenca Prime dahil nais nilang magkaroon ng isang organisadong paraan ng pagtulong, partikular sa mga tao sa Cuenca. Hindi rin umano natatapos sa isang proyekto ang kanilang plano.
Sa unang taon, nais ni Jumarang na mas marami pang members ang sumali sa club upang mas maraming tao ang matulungan.
Ayon sa Charter President, mahirap mag-isa kaya mahalaga ang pagkakaroon ng mas maraming committed na miyembro na maaaring makibahagi sa community service.
Sa mismong charter presentation and induction ceremonies, isinagawa ang presentation ng charter certificate, charging of charter members, induction at pinning ng charter at new members, turnover ng bell, gavel at club banner, at induction ng charter officers and directors.
Nagkaroon din ng inspirational at guest messages, presentation ng sister clubs at iba pang bahagi ng seremonya.

Dumalo sa okasyon ang mga bisita at Rotarians mula sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Quezon at Bicol.
Sa pagtatapos ng programa, nagkaroon din ng simpleng gesture para sa mga dumalo at miyembro ng club—ang pamamahagi ng libreng gulay.
Para sa Rotary Club Cuenca Prime, ang mga proyektong ito ang nagsisilbing unang hakbang ng kanilang serbisyo sa komunidad.
Mula sa isang simpleng idea at kwentuhan, nabuo ang isang grupo ng young entrepreneurs at professionals na ngayon ay may organisasyon, mga proyekto at mga benepisyaryong nais nilang matulungan.

Nagpasalamat naman si Jumarang sa lahat ng dumalo at tumulong sa kanilang chartering, lalo na sa mga bisitang nagmula sa Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Quezon at Bicol. Nagpasalamat din si Jabin sa kanyang ina na si PP Marites Jumarang.
Sa ilalim ng kanilang motto na “Service Above Self,” nais ng Rotary Club Cuenca Prime na magpatuloy ang kanilang serbisyo at mas marami pang miyembro ang makiisa sa pagtulong sa community. | BChannel news