Dalawang crew member ang nasugatan matapos masunog ang isang motor tanker na may kargang molasses sa Balayan Distillery Incorporated Port sa Barangay Talisay, Calaca City, Batangas nitong September 30, 2026.
Ayon sa initial report ng Calaca City Police, nangyari ang insidente bandang 4:00 ng hapon at nai-report sa pulisya alas-6:30 ng gabi. Ang Motor Tanker Gindara, na registered sa Fast Guy Logistic Corporation, ay nag-u-unload ng molasses nang magsimula ang apoy sa engine room.
May 22 crew members sakay ng tanker. Dalawampu sa kanila ang na-account at ligtas, habang dalawa ang nagtamo ng injuries.
Kinilala ang mga sugatan na sina Ivan James at Earl Meldex. Pareho silang unang nabigyan ng first aid. Ang isa ay isinugod at na-admit sa Metro Lemery Medical Center para sa treatment at monitoring. Ang isa naman ay nagtamo ng inhalational injury, ginamot sa Metro Calaca Hospital, pero kalaunan ay nag-discharge laban sa medical advice.
Agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection-Calaca City at Philippine Coast Guard, kasama ang local tugboats na MTUG Sedar 8 at MTUG Polaris Queen.
Nagpadala rin ng karagdagang personnel ang Coast Guard District Southern Tagalog, CGSS Balayan, CGSS Batangas City, Coast Guard Medical Station-Southern Tagalog at Maritime Safety Investigation Unit.
Kasama rin sa response ang BRP Malapascua, isang 44-meter Multi-Role Response Vessel ng PCG.
Sa latest report, wala nang nakikitang apoy sa bridge at superstructure ng tanker, pero may usok pa ring namataan. Patuloy ang monitoring at firefighting response, habang iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.