Opens in a new tab
Skip to content
Calamity

Limang bagong rainwater facilities, pinaghahandaan sa metro manila

May plano ang Marcos administration na magtayo ng limang rainwater impounding facilities sa Metro Manila para pansamantalang saluhin at iimbak ang tubig-ulan bago ito dumagdag sa baha.

Ayon kay Acting Executive Secretary Ralph Recto, ito ang napag-usapan matapos ang meeting kasama ang MMDA noong September 17, 2026 sa Malacañang. Layunin ng proyekto na dagdagan ang kapasidad ng Metro Manila na humawak ng malaking volume ng tubig, lalo na kapag malakas ang ulan at mataas ang tide.

Ang mga pasilidad ay ilalagay sa Camp Aguinaldo, Miriam College, Remedios Circle, Rajah Sulayman Park, at ASEAN Garden sa Cultural Center of the Philippines Complex sa Vito Cruz.

Kapag pinagsama, kayang mag-imbak ng hanggang 107,600 cubic meters ng rainwater ang limang proyekto.

Pinakamalaki ang proposed facility sa Camp Aguinaldo, na may capacity na 50,000 cubic meters at sasaklaw sa 172-hectare catchment area. Sa Miriam College naman, 30,000 cubic meters ang capacity para sa 170-hectare catchment area.

Sa Manila, may 10,000 cubic meters na capacity ang Remedios Circle at 8,000 cubic meters naman sa Rajah Sulayman Park. Parehong 94 hectares ang catchment area ng dalawang ito. Sa ASEAN Garden, 9,600 cubic meters ang planned capacity para sa 60-hectare catchment area.

Aabot naman sa tinatayang P4.05 billion ang combined cost ng limang proyekto. Pero kailangan pa itong dumaan sa government review, approval, budgeting at procurement.

Ayon kay Recto, hindi lang paglilinis ng drainage ang kailangan, kundi dagdag na infrastructure para ma-manage muna ang tubig bago ito maging baha. | BChannel News