Nasawi ang isang lalaki matapos matamo ang severe burn injuries habang nagtatrabaho sa loob ng Steel Asia Manufacturing Incorporated sa Barangay Salong, City of Calaca, Batangas.
Nangyari ang aksidente bandang 5:40 PM noong September 25, 2026, at nai-report sa Calaca City Police Station o CCPS bandang 7:00 PM sa parehong araw.
Ayon sa initial investigation, ang biktima ay isang crane mechanical technician na nag-aayos ng mechanical malfunction sa isang ladle crane na kaniyang ino-operate.
Habang ginagawa niya ang repair, aksidenteng bumagsak ang ladle o malaking lalagyan ng molten steel sa pavement, kasama ang biktima. Dahil dito, tumapon ang molten steel sa kaniyang katawan, na nagdulot ng severe burn injuries na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Nabatid na ang insidente ay unang ini-report sa Calaca police sa pamamagitan ng cellphone call mula sa isang empleyado ng naturang planta.
Samantala, sinabi ng kumpanya na sasagutin nito ang kinakailangang gastusin para sa burial ng biktima, pati ang mga benepisyo at financial assistance para sa kaniyang pamilya.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente.| BChannel news