May mga bagong policy proposal na maaaring makatulong sa digitalization at mas mabilis na serbisyo ng Bureau of Customs, matapos makapagtapos ng graduate studies sa Japan ang isang customs officer mula sa Port of Batangas.
Si Customs Operations Officer II Glen H. Tampis ay nagtapos ng Master of Public Finance, Customs Course, sa National Graduate Institute for Policy Studies o GRIPS sa Japan noong September 11, 2026.
Nakakuha siya ng perfect 4.00 GPA at kabilang sa 12 customs officers mula sa iba’t ibang bansa na nakatapos ng programa.
Sa kanyang pag-aaral, kumuha rin si Tampis ng Certificate in Data Science for Policy Studies, kung saan pinag-aralan niya ang paggamit ng data para sa paggawa ng government policies.
Isa sa kanyang research ang epekto ng Bureau of Customs Enhanced Value Reference Information System o eVRIS sa pagtukoy ng posibleng undervaluation ng mga imported goods. Layunin nitong makapagbigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa customs valuation at revenue collection.
May isa pa siyang policy proposal na tinawag na “Beyond the Balikbayan Box.”
Dito, iminungkahi ang fully digital na sistema para sa balikbayan box privileges, kabilang ang verified registry ng Overseas Filipino Workers o OFWs at processing system na naka-integrate sa eGovPH.
Layunin ng proposal na gawing mas streamlined ang transactions at mas mapadali ang verification at serbisyo para sa mga Pilipinong nasa abroad.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mahalaga ang ganitong training dahil maaaring magamit ang international knowledge para sa modernization at service delivery ng ahensya.
Samantala, sinabi ni Port of Batangas District Collector Carmelita M. Talusan na ipinagmamalaki ng kanilang tanggapan ang accomplishment ni Tampis at ang kaalamang nakuha niya mula sa international training.
Ang graduate studies ni Tampis ay isinagawa sa ilalim ng World Customs Organization-Japan Human Resource Development Programme, na nakatuon sa customs administration, public finance, policymaking at leadership.