Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

4 na lalaki arestado sa P81.6-million na shabu sa Batangas port

Apat na lalaki ang naaresto matapos makumpiska ang 12 kilos ng suspected shabu sa isang joint operation ng Philippine Coast Guard o PCG at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Batangas Port sa Barangay Sta. Clara, Batangas City, ngayong October 7, 2026.

Tinatayang nasa ₱81.6 million ang standard drug price ng nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ang mga suspek ay pawang lalaki, edad 18, 29, 30 at 41. Dalawa sa kanila ay residente ng Malate, Manila, habang ang iba ay mula sa Maluso, Basilan.

Bukod sa suspected shabu, narekober din ng mga awtoridad ang isang sasakyan, cellular phone, mga identification card at ATM cards.

Natapos bandang alas-nuwebe ng umaga ang inventory o paglista at pag-document sa mga nakumpiskang ebidensya.

Bandang alas-diyes ng umaga naman, itinurn-over sa PDEA ang apat na naaresto kasama ang mga nakuhang ebidensya para sa proper disposition at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Posibleng maharap ang mga suspek sa alegasyong paglabag sa Section 5 o transportation of dangerous drugs, at Section 11 o possession of dangerous drugs, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sinabi naman ng PCG na ipagpapatuloy nito ang coordination sa PDEA para mapalakas ang pagbabantay laban sa pagbiyahe ng illegal drugs gamit ang mga pantalan at maritime routes sa bansa. | BChannel News | 📸 Coast Guard Station Batangas