Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

LPU-Batangas, namayagpag sa WorldSkills 2026 sa Shanghai, China; Pilipinas, balik podium matapos ang 29 taon

Binigyang-pugay ng Lyceum of the Philippines University-Batangas (LPU-Batangas) ang mga student-delegates nito sa isang victory at thanksgiving celebration matapos nilang maiuwi ang karangalan sa WorldSkills 2026, na ginanap noong Setyembre 22–27, 2026 sa Shanghai, China.

 

Maligayang sinalubong ng LPU-Batangas community sina Carlos Antonio E. Delos Reyes at Lianna Kryzelle D. Verana, kasama ang kanilang mga tagapagsanay, Mr. Nomer Yuzon at Dr. Janzell Palbacal noong Oktubre 5 bilang pagkilala sa kanilang matagumpay na paglahok at pagtaas ng bandila ng Pilipinas sa WorldSkills 2026.

 

Ipinagdiwang sa okasyon ang kanilang pagsisikap, husay, at dedikasyon na nagbigay-dangal sa pamantasan at sa bansa sa pandaigdigang kompetisyon.

 

Nag-uwi ng tansong medalya si Carlos Antonio E. Delos Reyes sa Hotel Reception Category, kung saan nakipagtagisan siya ng husay laban sa mga delegado mula sa iba’t ibang bansa. 

 

Bukod dito, itinanghal din si Delos Reyes na Best of Nation sa hanay ng 11 delegado na kumatawan sa Pilipinas sa kompetisyon. 

 

Sa kanyang mensahe, hindi maitago ni Delos Reyes ang kanyang tuwa at pasasalamat sa tagumpay na kanyang nakamit para sa bansa, na aniya’y isang hindi inaasahang bunga ng taong pagsisikap at dedikasyon. 

 

Dagdag pa ni Delos Reyes, malaking bahagi dito ang mga oportunidad at suportang ipinagkaloob sa kanya ng LPU-Batangas.

 

Bukod kay Delos Reyes, kinilala rin sa nasabing selebrasyon ang kahusayan ni Lianna Kryzelle D. Verana, na nagsilbing kinatawan ng bansa sa Restaurant Service category.

 

Nagpaabot din ng pasasalamat si Verana sa lahat ng naging bahagi ng kanyang paghahanda para sa kompetisyon. Aniya, hindi naging madali ang proseso, ngunit naging magaan ito dahil sa tulong, gabay, at suporta ng kanyang pamilya, kaibigan, at LPU Batangas community.

 

Tumanggap ng P100,000 si Carlos Antonio E. Delos Reyes habang P40,000 naman ang natanggap ni Lianna Kryzelle D. Verana mula sa LPU-Batangas bilang parangal sa kanilang mahusay na pakikilahok sa kompetisyon.

 

Pinasalamatan naman ni TESDA Batangas Provincial Director Dorie U. Gutierrez ang LPU Batangas sa patuloy nitong pakikipagtulungan sa TESDA Batangas. Ayon kay Gutierrez, kaisa ang buong TESDA sa pagdiriwang ng tagumpay ng mga kinatawan ng Pilipinas sa kompetisyon.

 

Tiniyak din ni Gutierrez na patuloy na magiging katuwang ang TESDA Batangas sa pamantasan at gagawin ng tanggapan ang makakaya upang maibigay ang kinakailangang tulong at suporta sa mga susunod pang programa at paligsahan.

 

Nagpasalamat din sina Experts Mr. Nomer Yuzon at Dr. Janzell Palbacal sa pagkakataon na masaksihan ang dedikasyon at determinasyon ng dalawang mag-aaral. Ayon kay Yuzon, ang naganap na WorldSkills sa Shanghai ay ang isa sa pinakamahirap at pinaka komplikado. 

 

Samantala, pinuri ni LPU VPIA Mr. Paolo Sotero Laurel ang dedikasyon ng dalawang mag-aaral sa kanilang paghahanda at paglahok sa kompetisyon, katuwang ang kanilang mga tagapagsanay. 

 

Binigyang-pugay din ni Laurel ang mga sakripisyo, pagsisikap, at mahabang oras na inilaan ng mga estudyante at kanilang mga mentor upang maabot ang tagumpay sa pandaigdigang entablado.

 

Ayon sa pamunuan ng LPU-Batangas, nangako si Delos Reyes at Verana na ibabahagi ang kaalaman ng mga ito para sa ibang pinaghahandaan kompetisyon ng unibersidad.

 

Sa tala, muling nakapag-uwi ng medalya ang Pilipinas sa WorldSkills competition matapos ang halos 29 taon, na nagmamarka sa makabuluhang pagbabalik ng bansa sa podium ng prestihiyosong pandaigdigang kompetisyon.

 

Sa loob ng apat na araw, nagtagisan sa 64 skills area ang tinatayang 1,400 champions mula sa 70 bansa at rehiyon kung saan 11 ang kinatawan ng Pilipinas para sa Bakery, Beauty Therapy, Electrical Installations, Graphic Design Technology, Hotel Reception, ICT Network Infrastructure, Mechatronics, Plumbing and Heating, Refrigeration and Air Conditioning, at Restaurant Service.

 

Ang WorldSkills ay kilala bilang pinakamalaking international vocational skills competition. | BChannel News