Naging sentro ng isang mainitang session sa Reina Mercedes, Isabela ang paggamit ng nasa 66 million pesos na tobacco excise tax share ng bayan.
Sa Sangguniang Bayan session nitong Monday, kinuwestiyon ni Vice Mayor Jeryll Harold Respicio ang ilang barangay officials tungkol sa status ng mga proyektong pinondohan mula sa tobacco excise tax.
Partikular na hiningi ni Respicio ang updates sa mga proyekto mula sa previous year, kabilang ang mga hindi pa umano natatapos o hindi pa naipapatupad. Tinanong din niya kung ang pondo ay napunta sa mga programang direktang nakikinabang ang tobacco farmers.
Sa pagdinig, naging mainit ang palitan ng vice mayor at mga barangay official, kabilang ang kapitan ng Sinippil. Umabot ito sa pagsigawan at paggamit ng masasakit na salita, kaya kinailangan ding mamagitan ang mga pulis at iba pang naroon sa session.
Ayon kay Respicio, mahalagang marinig din ang tobacco farmers dahil sila ang intended beneficiaries ng naturang pondo.
Samantala, ipinagtanggol ni Mayor Malou Respicio-Saguban ang paggamit ng tobacco excise tax funds. Aniya, ang allocations ng municipal government ay sumusunod sa government guidelines at ginagamit para sa development at long-term investments sa mga barangay.
Ang Reina Mercedes ay isa sa mga tobacco-producing municipalities sa Isabela at tumatanggap ng bahagi mula sa national tobacco excise tax collections.
Sa ilalim ng Republic Act 8240, ang tobacco excise tax ay bahagi ng tinatawag na sin tax, na may mga pondong inilalaan para sa mga programa kabilang ang livelihood, cooperative development at infrastructure sa tobacco-producing communities. | BChannel news