Opens in a new tab
Skip to content
International

65 Pinoy na mangingisda, naka-detain sa Sabah, Malaysia; pamilya nanawagan ng tulong sa gobyerno

Humihingi ng tulong ang mga pamilya ng 65 Pilipinong mangingisda na kasalukuyang detained sa Sabah, Malaysia, matapos silang mahuli ng Malaysian Maritime Enforcement Agency o MMEA dahil sa hinihinalang unauthorized fishing.

Ayon sa MMEA, nakita ang Philippine fishing vessel noong September 27, bandang 1:30 ng hapon, habang nagpapatrolya ang kanilang mga tauhan sa karagatang nasa 18 nautical miles west ng Pulau Mantanani.

Sa paunang inspeksyon, nakita umanong naglilipat ang mga sakay ng tinatayang apat na toneladang marine catch papunta sa kanilang vessel.

Ayon pa sa maritime authorities, hindi nakapagpakita ng valid identification documents o work permits ang 65 crew, kabilang ang skipper. Wala rin umanong permit mula sa Fisheries Director-General para mangisda sa Malaysian waters.

Dinala sa MMEA jetty ang vessel, mga mangingisda at kanilang huling isda, na tinatayang nagkakahalaga ng RM350,000 o mahigit ₱5 milyon kapag kinonvert sa Philippine currency. Isinailalim sila sa imbestigasyon kaugnay ng Immigration Act 1959/63 at Fisheries Act 1985.

Samantala, sa mensaheng ipinadala sa Balisong Channel News Team, isang kaanak mula sa Nasugbu, Batangas ang nanawagan sa Department of Foreign Affairs, OWWA at iba pang kinauukulang ahensya na tiyakin ang kanilang seguridad, kalusugan at legal na kalagayan.

Hiling din ng mga pamilya na matulungan silang ma-monitor ang kaso at maipaliwanag ang proseso para makauwi nang ligtas ang mga mangingisda sa Pilipinas.

Iginiit ng pamilya na mabigyan ng sapat na atensyon ang kalagayan ng 65 Pilipino. | BChannel news