Hindi magbibitiw sa puwesto at tuloy pa rin sa pagtakbo bilang presidente sa 2028 elections si Vice President Sara Duterte, sa kabila ng impeachment trial at iba pang kinakaharap na kaso.
Sa isang panayam nitong Martes, mariing sinabi ni Duterte na hindi siya kailanman magre-resign bilang pangalawang pangulo ng bansa.
Para sa bise presidente, maaari pa niyang ituring na blessing ang impeachment trial dahil mabibigyan umano ng pagkakataon ang publiko na suriin ang mga tanong tungkol sa kaniyang pagkatao.
Nahaharap si Duterte sa impeachment trial kaugnay ng mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, bribery o panunuhol, at grave threats.
May mga kaugnay din siyang kasong plunder, graft, malversation at grave threats sa Office of the Ombudsman.
Samantala, naglabas din ang National Bureau of Investigation ng mga detalye tungkol sa mga umano’y ari-arian ni Duterte sa Davao City na sinasabing hindi tugma sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.
Gayunman, nananatiling mariin ang pahayag ng bise presidente na hindi siya aalis sa puwesto at plano pa rin niyang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa sa 2028.