Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

AUV, bumangga sa poste ng kuryente; ilang lugar sa Talisay, brownout

Nagkaroon ng power interruption sa ilang bahagi ng Talisay, Batangas, matapos bumangga ang isang sasakyan sa poste sa Barangay Banga nitong Lunes ng hapon, October 12.

Batay sa paunang ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, nangyari ang aksidente bandang alas-2:52 ng hapon. Minamaneho ng 25-anyos na si Mark, residente ng Barangay Bugaan West, Laurel, ang sasakyan patungong Laurel nang biglang pumutok ang isa sa mga gulong nito sa likuran.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang driver at bumangga sa poste sa gilid ng kalsada.

Ayon sa pagsusuri ng MDRRMO responders, wala namang nakitang sugat o galos sa driver. Nakatulong din ang pag-deploy ng airbag upang maprotektahan siya mula sa posibleng pinsala.

Rumesponde sa insidente ang Talisay MDRRMO, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Barangay Banga Tanod at Batangas Electric Cooperative o BATELEC upang matiyak ang kaligtasan sa lugar at masuri ang posibleng pinsala sa poste at mga linya ng kuryente.

Dahil sa insidente, naapektuhan ang suplay ng kuryente mula Barangay Banga hanggang Barangay Sampaloc. Bandang alas-2:53 ng hapon, nawala rin ang CCTV monitoring feed ng MDRRMO Operations Center para sa mga nasabing lugar.

Patuloy namang inaasikaso ng BATELEC ang sitwasyon, habang nagsasagawa ng follow-up investigation ang pulisya at sinusuri ang available na CCTV footage upang makatulong sa pagberipika ng mga pangyayari.

Muling pinapaalalahanan ang mga motorista na suriin ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe at mag-ingat sa pagmamaneho.