Nasawi ang isang 67-anyos na lalaki matapos maaksidente ang sinasakyang tricycle sa Nasugbu-Magallanes Road, Sitio Matahong, Barangay Bulihan, Nasugbu, Batangas, bandang alas-12:30 ng tanghali noong October 14, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Nasugbu Municipal Police Station, patungong Magallanes, Cavite ang tricycle na minamaneho ng 62-anyos na si Diokno nang mawalan ito ng kontrol sa pababang bahagi ng kalsada at bumangga sa road barrier, dahilan para tumagilid ito sa kaliwang bahagi.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon sa kalsada ang driver at ang pasaherong si Paulino. Tumama sa konkretong kalsada ang mukha ng pasahero, na nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo.
Sa pagtatangkang itayo ng driver ang tumagilid na tricycle, muli itong bumagsak at dumagan sa dibdib ng pasaherong nakahandusay pa sa lupa.
Idineklara ng rumespondeng rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Nasugbu na patay na ang biktima sa pinangyarihan ng aksidente.
Nagtamo naman ng mga galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver, na ayon sa ulat ay nasa impluwensiya ng alak nang mangyari ang insidente.
Dadalhin ang mga labi ng biktima sa punerarya sa Sitio Gulod, Barangay Bendita 1, Magallanes, Cavite.
Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente kaugnay ng kasong reckless imprudence resulting in homicide. | BChannel news