Hindi lang pagkahuli sa kalsada ang dapat ikabahala ng mga driver na nagmamaneho nang lasing dahil maaari na silang tuluyang mawalan ng lisensiya simula Nobyembre 15.
Ito ang bagong hakbang ng Land Transportation Office o LTO upang mapanagot ang mga motoristang naglalagay sa panganib sa buhay ng ibang tao dahil sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kailangang sundin ng mga awtorisadong enforcer ang tamang proseso. Una munang isasagawa ang Field Sobriety Test. Kapag bumagsak ang driver, saka gagamit ng awtorisadong Alcohol Breath Analyzer para masukat ang alcohol level.
Ang mga magpositibo sa pagsusuri ay maaaring patawan ng show-cause order ng Intelligence and Investigation Division o IID. Bibigyan sila ng pagkakataong magpaliwanag bago ang kaukulang administratibong aksiyon. Inaatasan din ang mga enforcer na isumite ang mga rekord ng panghuhuli, kabilang ang mga kasong tumanggi ang driver sa test.
Sa ilalim ng Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, dapat mas mababa sa 0.05 percent ang blood alcohol concentration ng mga driver ng pribadong sasakyang hindi lalampas sa 4,500 kilograms. Para naman sa public utility vehicle drivers, zero alcohol ang pinapayagan.
Binigyang-diin ng LTO ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagpapatupad kasunod ng mga aksidenteng may kaugnayan sa drunk driving, kabilang ang mga insidente sa Cebu na may mga nasawi.
Paalala ng ahensiya, hindi sapat ang pagiging maingat sa pagmamaneho kung ang driver mismo ay nasa impluwensiya ng alak o droga. Ang responsableng pagmamaneho ay mahalaga upang maiwasan ang aksidente at maprotektahan ang buhay ng bawat motorista at pasahero.