Opens in a new tab
Skip to content
International

68 nasawi sa salpukan ng 2 tren sa Spain; 1 Pinoy, sugatan ayon sa embahada

Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Madrid na isang Filipino national ang nagtamo ng minor injury sa banggaan ng dalawang high-speed train malapit sa Urda, Toledo, Spain. Umakyat na sa 68 ang bilang ng mga nasawi, ayon sa pinuno ng regional government ng Castilla-La Mancha.

Ayon sa embahada, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Spain at sa mga train operator upang matukoy ang kalagayan ng iba pang Filipino nationals na posibleng naapektuhan ng insidente.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang embahada sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at nagpaabot ng pag-asang mabilis na gumaling ang mga nasugatan.

Pinayuhan naman ang mga pamilya at kaibigan na hindi makontak ang kanilang mga mahal sa buhay na maaaring sakay ng alinman sa dalawang tren o bumiyahe sa Madrid-Andalusia line na humingi ng tulong sa mga kinauukulan.

Maaaring tawagan ang helpline sa numerong (+34) 900 10 10 20 o ang 24/7 hotline ng Philippine Embassy sa (+34) 616 491 861.

Patuloy na mino-monitor ng embahada ang sitwasyon habang hinihintay ang karagdagang impormasyon tungkol sa mga Filipino na maaaring nadamay sa trahedya.