Pinaghahandaan na ng Philippine Coast Guard o PCG at iba’t ibang ahensya ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Batangas Port ngayong Undas 2026, sa ilalim ng Oplan Byaheng Ayos.
Nagsagawa ng inter-agency meetings ang Coast Guard Station Batangas at Coast Guard Sub-Station Batangas City kasama ang Maritime Industry Authority o MARINA, Philippine Ports Authority o PPA, Asian Terminals Inc. o ATI, mga shipping company, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Tinalakay sa pulong ang pagdaragdag ng personnel, kaligtasan ng mga pasahero, maayos na operasyon ng mga barko, at pagpapalakas ng seguridad sa pantalan.
Kabilang sa mga hakbang na nakatakdang ipatupad ang mas mahigpit na inspeksyon sa mga sasakyan at bagahe, paggamit ng K9 units, monitoring sa pamamagitan ng CCTV, at pagsasagawa ng sea at mobile patrols.
Palalakasin din ang pagbabahagi ng intelligence information ng mga ahensya upang maiwasan at matukoy ang mga ilegal na aktibidad sa pantalan.
Layunin ng mga paghahandang ito na mapanatili ang ligtas, maayos, at organisadong biyahe ng mga pasahero at operasyon ng mga barko sa Batangas Port sa panahon ng Undas.