Pinaiigting ng Coast Guard Station Batangas ang inspeksiyon sa mga passenger vessel at seguridad sa mga pantalan bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas 2026.
Bahagi ito ng Oplan Byaheng Ayos: Undas 2026, na layong matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe upang dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Sa ilalim ng operasyon, nagsasagawa ang Coast Guard ng Pre-Departure Inspection o P-D-I sa mga barko sa kanilang nasasakupan. Sinusuri rito ang mga dokumento ng barko, kondisyon nito, life-saving at firefighting equipment, at pagsunod sa itinakdang passenger capacity upang maiwasan ang overloading at iba pang posibleng panganib.
Kasama rin sa seguridad ang K9 Explosive and Ordnance Disposal Team ng Batangas, na nagsasagawa ng K9 paneling sa mga passenger terminal, barko, at piling lugar sa pantalan upang matukoy ang posibleng explosives, mga ipinagbabawal na bagay, at iba pang banta sa seguridad.
Samantala, activated na rin ang Malasakit Help Desk sa Batangas Port. Nagbibigay rito ng assistance at medical support ang mga tauhan ng Coast Guard Nursing Service Sub-Unit at Coast Guard Medical Station–Southern Tagalog para sa mga pasaherong nangangailangan ng tulong.
Paalala ng Philippine Coast Guard sa mga biyahero, dumating nang maaga sa pantalan, bumili lamang ng tiket sa authorized channels, at sumunod sa mga safety advisory.
Hinikayat din ang mga shipping company at vessel operator na mahigpit na sundin ang maritime safety regulations para sa mas ligtas at maayos na biyahe ngayong Undas. | 📸 Coast Guard Station Batangas