Opens in a new tab
Skip to content
National

Legarda, nanawagang ibalik ang P107.23-billion na pondo ng PDIC at tugunan ang P133.24-billion kakulangan sa Philhealth

Posibleng maapektuhan ang financial protection ng bank depositors at access ng mga Pilipino sa healthcare dahil sa mga pondong hindi pa naibabalik o naibibigay nang buo sa PDIC at PhilHealth.

Ito ang panawagan ni Senator Loren Legarda sa gitna ng deliberasyon para sa 2027 national budget.

Sa datos na kanyang inilatag, ₱107.23 billion ang nailipat mula sa Deposit Insurance Fund ng PDIC patungo sa National Treasury. Ngunit ₱57 billion lamang ang nakapaloob sa panukalang pagbabalik ng pondo, at nakadepende pa ito sa mga kondisyon ng unprogrammed appropriations.

Sa PhilHealth naman, tinatayang ₱133.24 billion ang kakulangan sa nakalaang sin tax revenues pagsapit ng 2027. Mayroon ding ₱106.95 billion na hindi pa naibibigay na bahagi ng ahensya mula sa PCSO at PAGCOR.

Ipinaalala rin ni Legarda na nauna nang nag-utos ang Korte Suprema na ibalik ang ₱60 billion na ilegal na inilipat mula sa PhilHealth patungo sa National Treasury.

Dahil dito, iginiit ng Senadora na dapat matiyak sa 2027 budget ang tamang paglalaan ng mga pondong ito, dahil nakataya rito ang proteksyon sa ipon ng mga depositor at kakayahan ng PhilHealth na pondohan ang serbisyong medikal ng mga miyembro.