Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

55-anyos na banana vendor, nasawi sa hit-and-run sa Silang, Cavite; driver ng pick-up, tinutugis

Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng isang 55-anyos na banana trader na nasawi matapos mabangga at kaladkarin ng isang puting pick-up truck sa Tagaytay-Sta. Rosa Road, Barangay Pasong Langka, Silang, Cavite, noong November 6, 2026.

Kinilala ang biktima na si Armando, residente ng Barangay Pooc 1, Silang. Sakay siya ng isang itim na motorcycle na may sidecar o kulong-kolong habang bumibiyahe bandang alas-5:20 ng umaga.

Batay sa initial investigation ng Silang Municipal Police Station at CCTV footage mula sa isang kalapit na establisimyento, parehong binabaybay ng mga sasakyan ang naturang kalsada mula Sta. Rosa City patungong Tagaytay City.

Nasa outer lane ang motorsiklo nang biglang lumipat dito ang pick-up truck na nasa inner lane at tumama sa likurang bahagi nito. Sa halip na huminto, nagpatuloy ang pick-up at nakaladkad ang kulong-kolong nang tinatayang 50 meters.

Dahil sa insidente, nagtamo ng maraming sugat sa katawan ang biktima at napinsala ang kanyang motorsiklo. Makikita rin sa larawan ang mga nagkalat na saging mula sa kanyang kargamento.

Agad na rumesponde ang Silang MDRRMO at isinugod si Armando sa Hospital. Gayunman, idineklarang dead on arrival bandang alas-7:28 ng umaga.

Samantala, tumakas patungong Tagaytay City ang driver ng puting pick-up truck na hindi pa natutukoy ang plate number.

Nabatid na ang motorsiklo ng biktima ay may plate number na 355-NWW at nakarehistro sa pangalan ni Nelio, residente ng Barangay 9-A, Lipa City, Batangas.

Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya, kabilang ang pagkuha ng karagdagang CCTV footage at pakikipag-ugnayan sa mga establisimyento upang matukoy at mahanap ang tumakas na driver. | BChannel news