Sugatan ang sampung pasahero matapos tumaob ang isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng JP Laurel Highway sa Brgy. Luta Sur, Malvar, Batangas, Biyernes ng gabi.
Ayon sa Malvar Police, bandang 6:30 PM nang mangyari ang aksidente kung saan nawalan umano ng preno ang jeep na minamaneho ng 30-anyos na driver. Dahil dito, bumangga ang sasakyan sa gutter at tuluyang tumaob.
Bandang 7:30 PM naman nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang ospital matapos dalhin doon ang mga sugatang pasahero para sa agarang gamutan.
Kabilang sa mga nasugatan ay mga manggagawa, estudyante, at isang guro mula sa iba’t ibang lugar sa Batangas at karatig-probinsya.
Sa paunang imbestigasyon, hinihinalang brake malfunction ang sanhi ng insidente, ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa driver sa Provincial Prosecutor’s Office kaugnay ng insidente.