Sa gitna ng tumataas na demand sa kuryente, aprubado ng Department of Education ang apat na araw na onsite work at work-from-home tuwing Biyernes para sa school-based personnel mula April 10 hanggang June 5, 2026.
Sa ilalim ng memorandum ni Education Secretary Sonny Angara, papasok sa paaralan ang mga empleyado mula Lunes hanggang Huwebes, habang administrative at iba pang gawain ay gagawin na lang sa bahay tuwing Biyernes.
Ayon sa DepEd, bahagi ito ng mas malawak na hakbang para mabawasan ang konsumo ng kuryente sa mga pampublikong paaralan, lalo na ngayong may hamon sa suplay ng enerhiya. Wala namang binanggit na pagbabago sa klase o paraan ng pagtuturo sa mga estudyante.
Pinayagan din ang mga pribadong paaralan na magpatupad ng flexible o blended learning setup nang hindi na kailangan ng prior approval, basta mag-abiso sa kanilang Schools Division Office limang araw bago ito ipatupad.
Sa ngayon, patuloy pang susuriin ng ahensya kung palalawigin ang nasabing setup depende sa sitwasyon ng enerhiya at pangangailangan ng operasyon.