Nasabat ng Philippine National Police ang mahigit 2,000 kahon ng umano’y smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng nasa ₱150 million sa isang operasyon sa Baliwag City, Bulacan noong April 14, kung saan 19 na indibidwal ang inaresto.
Ayon sa pulisya, nahuli ang mga suspek habang naglilipat ng kargamento mula container vans papunta sa mas maliliit na delivery trucks sa kahabaan ng DRT Highway sa Brgy. Tarcan.
Wala umanong tax stamps mula sa Bureau of Internal Revenue ang mga sigarilyo, indikasyon na ito ay iligal na ipinasok sa merkado.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga naarestong indibidwal at ebidensya, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa operasyon.
Giit ng PNP, paiigtingin pa ang kampanya laban sa smuggling, habang inaasahang haharap sa kaso ang mga naaresto. | BChannel NEWS