Patay ang apat na hinihinalang kidnappers, kabilang ang dalawang dating pulis, matapos ang rescue operation sa isang 78-anyos na negosyante sa Parañaque City, Miyerkules ng gabi.
Ligtas namang na-rescue ang biktima, ayon sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group.
Ayon sa pulisya, dinukot ang biktima noong Martes habang pauwi sa Makati. Nakipag-ugnayan umano ang mga suspek sa pamilya gamit ang cellphone ng biktima at humingi ng ransom na umabot sa 50 million pesos, na kalaunan ay bumaba sa 10 million pesos.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang pamilya sa awtoridad na naglunsad ng rescue operation. Sa gitna ng operasyon, sinasabing nagpaputok ang mga suspek na nagresulta sa engkwentro. Apat sa kanila ang nasugatan at isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Sa imbestigasyon, lumabas na dalawa sa mga napatay ay dating pulis na tinanggal sa serbisyo matapos mag-AWOL. Narekober sa mga sasakyan ang ilang ebidensya tulad ng uniporme ng pulis, baril, granada, at iba’t ibang plaka.
May narekober ding bahagi ng ransom money, pero hindi pa tukoy ang kabuuang halaga. Sa ngayon, tinutugis pa ng mga awtoridad ang tatlo pang suspek na pinaniniwalaang sangkot sa krimen.
Patuloy rin ang imbestigasyon para malaman ang tunay na motibo sa likod ng kidnapping.