Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang OPM artist na si Hev Abi o Gabriel Abilla sa ikinasang Oplan Paglalansag Omega sa Barangay Laging Handa, Diliman noong April 14.

Ayon sa pulisya, magsisilbi lang sana sila ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 at Republic Act No. 9165, pero nauwi ito sa pag-aresto sa rapper at anim pang kasama na kinilala sa kanilang mga alias.
Sa ulat, narekober umano ang isang 9mm pistol, magazine, at mga bala sa loob ng bahay.
May nakita rin daw na mga cartridge na hinihinalang liquid marijuana, pulbos na pinaghihinalaang cocaine, at iba pang paraphernalia.