Nanawagan ang Malacañang sa mga maliliit na negosyo o MSMEs na apektado ng tensyon sa Middle East na samantalahin ang P4-bilyong emergency loan program ng gobyerno.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, bahagi ito ng tulong na inaprubahan ni Ferdinand Marcos Jr. para makatulong sa tumataas na gastos sa transportasyon at problema sa supply.
Sa ilalim ng programa ng Department of Trade and Industry at SB Corp., maaaring umutang mula P30,000 hanggang P20 milyon, may mababang interes at hanggang limang taon ang bayaran.
Maaaring mag-apply online, at inaasahang aabot ng 7 hanggang 10 araw ang proseso. Layunin nitong matulungan ang mga negosyong makabangon sa gitna ng global economic pressure.