Patay ang limang bata matapos malunod sa isang pond sa Marawi City sa Lanao del Sur, habang naglalaro noong Huwebes ng umaga, April 16 ayon sa Philippine National Police.

Ayon sa pulisya, anim na bata na may edad 7 hanggang 11 ang nasa lugar nang mangyari ang insidente sa Barangay Panoroganan. Isang 8 taong gulang na batang babae ang nakaligtas at nagsilbing saksi sa nangyari.
Sa imbestigasyon, gumamit umano ng sirang refrigerator bilang pampalutang ang survivor at itinulak siya ng mga kalaro papunta sa gitna ng pond. Nang mahulog siya sa tubig, sinubukan siyang sagipin ng mga kasama ngunit nalunod ang mga ito sa mas malalim na bahagi.
Matapos ang rescue operations, dinala ang anim na bata sa pagamutan kung saan 5 ang idineklarang dead on arrival habang ang isa ay ginagamot pa.
Dinala na ng mga pamilya ang mga nasawi para sa paglilibing ayon sa Islamic rites.
Patuloy ang paalala ng pulisya sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak, habang nilagyan na ng harang at babala ang lugar upang maiwasan ang kaparehong insidente. | BChannel News