Handang humarap sa Kongreso ang 84 barangay captains sa Batangas para magsalita tungkol sa umano’y diskriminasyon sa hindi nila pagtanggap ng tig-₱200,000 na ayuda mula sa programang “Bawat Barangay Makikinabang” ni Bongbong Marcos.
Ayon sa mga kapitan, kumpleto ang kanilang requirements at walang utos na huwag silang pumunta sa event noong April 24, pero hindi raw sila inimbitahan ng Kapitolyo kahit sinabi na lahat ng barangay ay dapat present.
Ikinuwento ni Taal ABC President Lamberto Marcellana na sinabi umano sa kanya ng isang opisyal na hindi isinama ang Taal at Nasugbu dahil umano sa tampo ng gobernador. Ganito rin ang pahayag ni Nasugbu ABC President Emerito Herrera na nagsabing hindi sila kinontak para sa event at tila hindi sila kabilang sa mga inayos ng lokal na pamahalaan.
Mariin ding itinanggi ng mga kapitan ang alegasyon na pinigilan sila ni Leandro Legarda Leviste na pumunta sa Batangas City. Ayon sa kanila, wala umanong ganitong utos ang kongresista.
Dagdag pa ng isang barangay captain, nais nilang maimbitahan sa Kongreso ang lahat ng 84 kapitan para mapatunayan ang katotohanan at linawin ang isyu.
Lumabas din na may hiwalay umanong group chat ang staff ni Vilma Santos-Recto kung saan hindi isinama ang 84 barangays, at limitado lamang ito sa ilang bayan.
Bilang agarang aksyon, sinabi ni Cong. Leviste na aabonohan muna niya ang tig-₱200,000 ayuda habang hindi pa nailalabas ang opisyal na pondo. Samantala, direkta nang ipinapadala ng mga kapitan sa Malacañang ang kanilang mga dokumento.
Nanawagan din ang kongresista ng imbestigasyon sa Kongreso o Senado para matukoy kung bakit hindi naisama ang 84 barangays at maiwasan ang umano’y pamumulitika sa pamamahagi ng ayuda.