Patay ang isang 31-anyos na lalaki matapos malunod sa isang resort sa Lobo kahapon ng hapon.
Ayon sa Lobo Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-2:07 ng hapon sa Brgy. Lagadlarin. Ang biktima, na kinilalang si Jimar, isang tricycle driver mula Tondo, Maynila, ay umano’y naliligo kasama ang mga kaibigan habang nasa impluwensya ng alak.
Sa kalagitnaan ng kanilang paglangoy, napansin ng isa sa kanyang mga kasama na bigla na lamang itong nawala at hindi na makita. Agad silang nagsagawa ng paghahanap hanggang sa bandang alas-2:25 ng hapon nang matagpuan ang katawan ng biktima na palutang-lutang sa may dalampasigan.
Iniahon ang biktima at dinala sa pagamutan, ngunit sa kabila ng isinagawang resuscitation ng doktor, idineklara itong dead on arrival bandang alas-2:52 ng hapon.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. | BChannel News