Bahagyang bumagal pero tuloy pa rin ang pag-angat ng ekonomiya sa CALABARZON matapos itong lumago ng 5.1 percent noong 2025, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority.
Mas mababa ito kumpara sa 5.7 percent growth noong 2024, pero umabot pa rin sa kabuuang halagang 3.44 trillion pesos ang ekonomiya ng rehiyon.
Nanguna sa paghatak ng paglago ang manufacturing sector na may malaking ambag sa ekonomiya, patunay na nananatiling industrial powerhouse ang CALABARZON sa bansa.
Samantala, pinakamabilis na lumago ang sektor ng health at social work na may halos 12 percent growth, sinundan ng public administration at education sectors na parehong may higit 8 percent na pagtaas. Ipinapakita nito na hindi lang industriya kundi pati serbisyo at social sectors ay patuloy ding lumalakas sa rehiyon.
Sa kabuuan, nananatiling dominante ang industry sector na may halos kalahati o 48.6 percent na share sa ekonomiya, kasunod ang services na may 47.1 percent, habang maliit pa rin ang bahagi ng agriculture na nasa 4.3 percent.
Sa national level, malaki rin ang ambag ng CALABARZON sa ekonomiya ng bansa. Sa kabuuang 4.4 percent GDP growth ng Pilipinas noong 2025, pangalawa ang rehiyon sa may pinakamalaking ambag at may halos 15 percent share sa national economy.
Pagdating naman sa galaw ng kalakalan, pinakamalaking paglago ang naitala sa exports ng goods at services na umabot sa 14 percent, indikasyon ng patuloy na pagtaas ng demand sa mga produktong gawa sa rehiyon.
Dagdag pa rito, mas mataas din ang household spending ng mga residente sa CALABARZON kumpara sa national average, na nagpapakita ng mas malakas na purchasing power sa rehiyon.
Sa kabila ng bahagyang paghina ng growth rate, malinaw na nananatiling isa ang CALABARZON sa pangunahing driver ng ekonomiya ng Pilipinas, lalo na sa larangan ng industriya at kalakalan. | BChannel NEWS