Magpapatupad ang Department of Education ng bagong patakaran na mag-oobliga sa lahat ng private schools na may Senior High School program na kumuha ng pormal na Government Recognition bago ang School Year 2027–2028.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 12 series of 2026, papalitan na ang matagal nang provisional permits upang masiguro ang mas malinaw na quality standards, accountability ng mga paaralan, at proteksyon sa mga estudyante.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nitong tiyakin na dekalidad at maaasahan ang edukasyon saan mang paaralan nag-aaral ang kabataan.
Sa kasalukuyan, nasa 38 porsyento ng SHS schools sa bansa ay pribado at nagseserbisyo sa tinatayang 1.46 million learners, pero marami sa mga ito ang matagal nang nasa provisional status dahil kulang noon sa updated na proseso.
Saklaw ng bagong evaluation ang curriculum, pamunuan, pasilidad, guro, learner support, at financial capacity ng mga institusyon.
May one-year transition period sa School Year 2026–2027 para makasunod ang mga paaralan nang hindi naaapektuhan ang mga estudyante.
Pagsapit ng 2027, tanging mga recognized private SHS na lang ang maaaring tumanggap ng Grade 11 students sa ilalim ng voucher program.
Kasama rin sa polisiya ang monitoring, sanctions, at learner protection measures tulad ng maayos na transfer at voucher portability kung sakaling mawalan ng permit ang isang paaralan.