Arestado ang isang 29-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police Lipa Component City Police Station sa District 1B, Barangay Marawoy, Lipa City noong May 5.
Batay sa imbestigasyon, nahuli umano ang suspek na si Francis, tubong Barangay Bangkal, Makati City, matapos bentahan ng hinihinalang shabu ang isang police operative na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 buy-bust money.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 5.22 grams at tinatayang halaga na mahigit P35,000, kasama ang marked money, cellphone, sling bag, at isang kalibre .45 na baril na walang serial number na may magazine at limang bala.
Nasa kustodiya na siya ng Lipa police para sa paghahanda ng kaukulang kaso kaugnay ng ilegal na droga at paglabag sa firearms law.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga at loose firearms bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas na komunidad.