Patay ang isang 15-anyos na estudyante matapos tamaan ng bala sa isang insidente ng pamamaril sa Southville, Barangay Marinig, Cabuyao City, Laguna, bago maghatinggabi ng Hunyo 4.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, magkasama umano ang biktima, suspek at isang saksi sa lugar nang mangyari ang insidente.
Ayon sa saksi, nakita niya ang suspek na nagkakarga ng apat na bala sa isang revolver ilang sandali bago ang putok ng baril.
Ikinuwento rin ng saksi na may narinig siyang humahamon sa suspek na paputukin ang baril. Makalipas ang ilang sandali, isang putok ang kanyang narinig. Nang tingnan niya ang kanyang mga kasama, nakita niya ang biktima na hawak ang kanyang dibdib matapos tamaan ng bala.
Agad umanong tumakas ang suspek matapos ang insidente habang isinugod naman ang binatilyo sa Cabuyao City Hospital. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng attending physician dakong 12:29 ng madaling araw ng Hunyo 5.
Kinilala ng pulisya ang biktima bilang isang 15-anyos na residente ng Southville, Barangay Marinig. Samantala, ang suspek ay si Ian, 19-anyos na umanoy kaibigan at kapitbahay ng biktima.
Patuloy ang hot pursuit at dragnet operations ng Cabuyao police para matunton at maaresto ang suspek habang nakikipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa mga barangay sa paligid para sa monitoring at agarang aksyon sa kaso gayundin ang motibo sa krimen. | BChannel News