Patay ang isang 44-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Bantay-Banay, Cabuyao City, Laguna Biyernes ng gabi, June 5.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng tricycle ang biktima kasama ang kanyang live-in partner at pauwi na sana nang mapansin umanong sinusundan sila ng dalawang lalaki na nakamotorsiklo. Pagdating sa bahagi ng Hong Kong Village, bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang biktima ng ilang beses.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng pulang motorsiklo patungong direksyon ng Calamba City.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival ng doktor dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Patuloy naman ang follow-up investigation at hot pursuit operation ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at maisampa ang kaukulang kaso laban sa kanila.