Nasagip ng mga crew ng isang pampasaherong barko ang isang babaeng pasahero matapos itong mahulog sa dagat habang bumiyahe mula Caticlan patungong Batangas madaling araw ngayong Hulyo 30.
Ayon sa Philippine Coast Guard, naganap ang insidente sa karagatan malapit sa Isla Verde, Batangas City. Agad na narespondehan ng mga tripulante ang insidente at matagumpay na naiahon ang pasahero.
Batay sa paunang pagsusuri ng medical personnel ng barko, nasa maayos na kondisyon ang babae at nagtamo ng sugat. Pagsapit ng barko sa Port of Batangas, agad siyang dinala sa Batangas Medical Center para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.
Pinuri naman ng Coast Guard ang mabilis na pagtugon ng mga crew na naging susi sa ligtas na pagsagip sa pasahero.