Iniimbestigahan ng pulisya ang pagkawala ng ilang gamit ng Saints Joachim and Anne Parish sa Barangay Calumpang, Liliw, Laguna matapos itong maiulat sa mga awtoridad nitong Agosto 14.
Ayon sa ulat, nadiskubre pa noong Agosto 6 ang pagkawala ng tatlong candelabra at dalawang kampana mula sa loob ng simbahan. Tinatayang nasa P100,000 ang kabuuang halaga ng mga nawawalang kagamitan.

Matapos makatanggap ng reklamo mula sa secretary ng parokya, nagsagawa ng inspeksyon at imbestigasyon ang mga tauhan ng Liliw Municipal Police Station.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, may isang residente ng Barangay Calumpang na tinukoy bilang person of interest matapos umanong makilala ng isang saksi na may kaugnayan sa insidente. Gayunman, patuloy pa ring bineberipika ng mga awtoridad ang mga ebidensya at pahayag kaugnay ng kaso.
Inihahanda na rin ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento para sa posibleng pagsasampa ng kaukulang reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor sa Sta. Cruz, Laguna. | BChannel news