Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang patay sa tabi ng seawall sa Barangay Dulangan, San Luis, Batangas, noong Agosto 17, 2026.
Bandang 10:00 AM, iniulat sa San Luis Municipal Police Station ang insidente matapos makita ng dalawang residenteng nangingisda ang lalaki na nakahandusay sa concrete floor malapit sa shoreline.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng nahulog ang lalaki mula sa tinatayang 12-foot-high seawall. May dugo rin umanong tumutulo mula sa kanyang ulo at hindi na siya tumutugon nang lapitan ng mga nakakita.
Dinala ang katawan sa punerarya sa Poblacion, San Luis, para sa post-mortem examination.
Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga opisyal ng barangay para sa pagkakakilanlan ng biktima.
Inilarawan ang lalaki na nasa 35 hanggang 40 taong gulang, may taas na humigit-kumulang 5 feet 6 inches, maliit ang pangangatawan at dark complexion. Nakasuot siya ng black sando at black short pants.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at makumpirma kung aksidente ang pagkahulog. | BChannel news